Thursday, August 1, 2013

tatlong taong nakalipas...

Ano pa nga ba ang aasahan nating marinig kung hindi matatamis na salita mula sa ating pangulo sa araw nang kanyang sona? Natural lamang na ang babanggitin niya ay isang katutak na numero at mga statistik na maglalarawan sa ika nga niya ay lumalagong ekonomiya ng Pilipinas.

Nabanggit, na nito lamang nakaraang sona ni PNoy ang pinakamahaba kumpara sa mga nakaraang sona sa ngayon, ngunit bakit tila may mga usapin pa rin na hindi natalakay at nabigyang pansin tulad na lamang ng “Freedom of Information” at “pork barrel issues.”

Mukha namang may nagagawa ngang talaga ang ating pangulo at nabubuo na ang mga piraso tungo sa kanyang “Daang Matuwid”. Pero tila nga hindi pa rin ito sapat sa paningin ng nakararami. Hindi naman mawawala ang mga negatibong komento at mga reaksyon kung tutuusin, pero hindi ba’t maling isisi natin ang lahat kay PNoy kung meron man tayong mga hinaing tulad nang kahirapan, at sa halip ay tulungan natin siya. Nasaan na nga ba ang totoong “Bayanihan” na tanging sa Pilipinas lamang naririnig at walang katumbas sa dayuhang wika.

Ang pangunahing trabaho ni PNoy sa ating bansa ay mamuno. Ngunit paano niya pamumunuan ang isang bansa na puro reklamo at kung hindi man ay walang pakialam sa mga bagay-bagay. Kailan man ay hindi tayo makukuntento.


Totoong talamak ang kahirapan sa ating bansa at hindi ito matutugunan nang kahit ilan pa mang sona. Tama na ang satsat at simulan ang tunay na pagbabago mula mismo sa ating mga sarili. Alisin ang lahat ng takot at pangamba at makialam sa mga isyu na kinakaharap ng ating bansa. Tayo nga ang “boss” ngunit hindi ibig sabihin nito na uupo na lamang tayo tapos saka rereklamo kapag hindi nagustuhan ang mga kinalabasan. Subukan kaya naman nating sumuporta muna at kung sa huli ay wala pa ring nagbago, tawagin natin itong isang eksperimento at hindi pagkabigo. Hindi masamang magsimula ulit nang panibago at ulitin lahat ng proseso kung meron namang maaliwalas na tutunguhin patungo sa tunay na pag-unlad.

~Zarina Pauline T. Devela